MANILA, Philippines – Pinagkalooban kahapon ng pamahalaang lunsod ng Makati ng tig-P100,000 tulong ang pamilya ng mga nasawing 44 miyembro ng PNP-Special Action Force na napatay sa engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Magkasamang sinalubong nina Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay at ng ama niyang si Vice President Jejomar C. Binay ang mga pamilya ng Heroes 44 sa isang parangal sa Session Hall sa 22nd Floor ng Makati City Hall.
Tiniyak ni Binay sa mga pamilya na hindi sila nag-iisa sa paglaban nila para sa katarungan at paghahanap ng kapayapaan. “Sinusuportahan kayo ng mamamayan at ng pamahalaang lunsod ng Makati,” sabi pa ni Binay.
Bukod sa tulong-pinansiyal, nagkaloob din ang pamahalaang-lunsod ng college scholarship sa University of Makati (UMak) para sa mga anak o kapatid ng napatay na mga commando.
Hinikayat ng alkalde ang nagluluksang mga pamilya na manatiling matapang at ipagpatuloy ang paghahangad sa magandang kinabukasan na nais ng kanilang yumaong mga bayani.
“Panatilihin ang kanilang alaala pero huwag kaligtaan ang mga pangarap na pinagbahaginan at binuo niyo nang sama-sama noong nabubuhay pa sila,” sabi ng batang alkalde.