MANILA, Philippines – Dapat bawiin din ng gobyerno ang mga personal na gamit ng mga pulis katulad ng mga cellphones, wedding rings at mga pitaka.
Naniniwala si Sen. Ralph Recto na mahalaga sa pamilya ng mga napaslang na SAF na maibalik sa kanila ang mga personal na gamit ng mga mahal nila sa buhay tulad ng cellphone, relo, wedding rings, pitaka na naglalaman ng mga litrato ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ang mga baril umano ay pag-aari ng gobyerno pero ang mga personal na gamit ay tiyak na mas gugustuhing makuha ng mga naiwang pamilya.
Dapat rin aniyang magkaroon ng protocol sa pagbabalik ng mga gamit lalo pa’t 16 na baril pa lamang ang naisosoli.
“Nandyan pa rin ang napabalitang 139 body armors, GPS tracker units, hand grenades at night vision goggles na nawawala... There was also the reported loss of close to 700 magazines,” sabi ni Recto.
Hindi aniya maituturing na “trophies of battles” ang mga nakulimbat na gamit ng mga napatay na SAF kung totoong “partners in peace” ang gobyerno at ang MILF na nagbubuo pa ng Bangsamoro Basic Law.
“Dapat maklaro din kung alin, ilan at anu-ano ang mga natangay ng BIFF(Bangsamoro Islamic Freedom Fighter). Hindi pwedeng i-charge sa mga sibilyan ang ibang nawawalang mga gamit,” pahayag ni Recto.
Mas mahirap aniyang paniwalaan ngayon na mga ordinaryong sibilyan ang nakakuha ng ibang gamit dahil ang MILF at ang BIFF fighters ang unang nakakita sa mga SAF na nagtungo sa Mamasapano, Maguindanao.