MANILA, Philippines – Ibinalik na ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang kinuhang mga armas mula sa mga nakaengkwentrong miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa Mamasapano, Maguindanao.
Sa joint press conference kahapon ng umaga sa Camp Siongco Headquarters sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao iprinisinta ng MILF peace panel ang 16 armas sa Government of the Philippines (GPH) peace panel.
Kabilang dito ang 13 armalite rifles, isang light machine gun at dalawang M203 grenade launcher.
Dumalo sa panig ng pamahalaan sina Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) Secretary Teresita “Ging” Deles at GPH chief peace negotiator Miriam Coronel-Ferrer. Naroon din si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gregorio Catapang at ilan pang opisyal ng militar.
“Kung may natitira pa (SAF weapons at personal effects) sa MILF, hahanapin po namin ‘yan,” pahayag naman ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal.
Dadalhin sa Maynila ang mga armas para i-turnover kay Board of Inquiry at CIDG chief Benjamin Magalong.
“It’s a positive sign, magandang development ito,” sabi naman ni PNP spokesman P/Chief Supt. Generoso Cerbo na umaasang maisosoli lahat ang mga baril na pag-aari ng mga napatay na SAF commandos.
Hindi naman masabi ni Cerbo kung ilan lahat ang mga armas na kinuha ng MILF.
Una na ring sinabi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nakasagupa rin ng mga SAF na 10 sa mga baril ng mga ito ay kanilang hawak at hindi nila isosoli.
Muli namang nagbabala si Cerbo na makakasuhan ng batas ang mga nagbebenta at bumibili ng mga armas ng mga napatay na SAF dahil pag-aari ito ng gobyerno.
Matatandaan na ilang residente ang una nang nagsoli ng mga Kevlar helmet, 2-way radio at iba pang mga personal na kagamitan ng mga nasawing SAF troopers na nakuha ng mga ito sa encounter site.
Tikom naman ang MILF sa katanungang maari rin ba nilang maiprisinta ang kanilang mga kumander na nadawit sa insidente. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)