MANILA, Philippines – Matapos maibalik ang ilang armas ng mga nasawing miyembro ng Special Action Force (SAF), sinabi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ngayong Miyerkules na hinahanap pa nila ang iba.
Kabilang sa mga ibinalik ng MILF ang kalibre 5.56 M-16 rifles, dalawang M-203 rifles, dalawang light machine guns at isang bahagi ng M-4 carbine.
Isinauli ng MILF ang mga armas kagabi sa officers' club ng 6th Infantry Division ng Philippine Army sa Camp Siongco sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
"We are not surrendering these firearms, we are returning them," pahayag ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal.
Dagdag niya na hinahanap pa nila ang iba pang armas na maaaring nakuha ng kanilang mga kasamahan.
"We are still in the process of locating the other firearms that are possibly in the hands of MILF members,” ani Iqbal. “We can't account for those firearms taken by other groups.”
Umabot sa 44 miyembro ng SAF ang nasawi sa Mamasapano, Maguindanap matapos makaengkwentro ang mga miyembro ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.