Pagsisilbi ng mga guro sa halalan ‘di na compulsary

File photo

MANILA, Philippines – Hindi na oobligahin pa na magsilbi tuwing eleksyon ang mga guro.

Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms at House Committee on Appropriations ang panukalang batas na naglalayong hindi na ga­wing compulsary ang serbisyo ng mga guro tuwing halalan.

Sa House 5412 o ang Election Service Reform Act na consolidated version na ng 5 magkakaparehong panukala na inindorso sa plenaryo ng komite nina Capiz Cong. Fredinil Castro at Davao Cong. Isidro Un­gab, nakasaad dito na may choice na ang mga pampublikong guro na magbo­luntaryo sa pagseserbisyo tuwing eleksyon kapalit ng tamang kompensasyon at benepisyo.

Para naman hindi magkulang ng magsisilbi sa eleksyon, maaaring magtalaga ang Come­lec mula sa hanay ng pribadong guro, non-teaching personnel ng Department of Education, iba pang kawani ng gobyerno kasama ang militar at pulisya basta rehistradong botante ang mga ito.

O kaya’y mula sa citizen’s arm ng Comelec, NGO o sinumang sibilyan na hindi konektado kanino mang kandidato o alinmang partido politikal.

Sa mga lugar na may problema sa peace and order, tanging pulis lamang ang pwedeng i-deputize bilang miyembro ng Board of Election Inspectors at Board of Election Tellers.

Ang mga magsisilbi naman tuwing eleksyon ay bibigyan ng honoraria, tra­vel allowance at iba pang benepisyo at kailangang matanggap nila ito sa loob ng 15 araw matapos ang halalan.

Show comments