MANILA, Philippines – Nagnegatibo na sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) ang tatlong sinuri matapos makasalamuha ang Pinay nurse na nanggaling Saudi Arabia.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Health spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy na hindi MERS-CoV ang sakit ng unang itinuring na probable case kundi pneumonia.
Matapos naman ang dalawang test, nagnegatibo na rin sa MERS-CoV ang unang itinuring na suspected case.
Ang sinasabi namang person under investigation ay nagnegatibo rin sa inisyal na pagsusuri pero sasalang pa sa ikalawang test.
Ibinalita naman ni Lee Suy na nasa stable condition ang Pinay nurse na may MERS-CoV pero patuloy na binabantayan sa RITM. Mino-monitor din ito ng OB-Gyne dahil buntis.
Samantala, nangangamba naman ang DOH sa pagtaas ng kaso ng MERS-CoV ngayong summer season.
Sinabi ni acting Health Secretary Janette Garin, ngayong papalapit na ang bakasyon ng mga estudyante at Mahal na Araw, asahang maraming OFWs na kamag-anak ng mga estudyante ang uuwi.
Bukod sa pagdami ng mga OFWs at turista na uuwi sa bansa ay ito rin ang season kung saan tumataas ang MERS-CoV sa Middle East.
Maaari umanong mahawaan ang mga OFWs na galing doon at mailipat pagdating sa bansa.