P7.8B budget ni Deles ipagawa ng tulay sa Mamasapano - Recto
MANILA, Philippines – Hinamon ni Sen. Ralph Recto si Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na ilaan ang bahagi ng kanyang budget o P7.8 bilyon ngayong 2015 sa pagpapatayo ng tulay sa ilog ng Mamasapano kung saan napatay ang 44 miyembro ng PNP-Special Action Force.
Ayon kay Recto dapat ng palitan ang nasabing tulay dahil magiging simbolo lamang ito ng kapabayaan ng gobyerno.
Para sa 2015, ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) ay may budget na P490 milyon.
Pero kontrolado rin ng tanggapan ni Deles ang nasa P7.3 bilyong pondo para sa 12 ahensiya na nasa ilalim ng programang PAMANA o “Payapa at Masaganang Pamayanan.”
Sabi ni Recto, ang PAMANA ay isang “unitemized lump sum” sa national budget kung saan may kalayaan ang OPAPP kung saan ito ilalagay.
Isa aniyang ‘kandidato’ para sa PAMANA funding ang “much-photographed makeshift bridge” patungo sa taniman ng mais kung saan dalawang SAF company ang pinaslang ng magkasanib na puwersa ng MILF-BIFF.
“Tawag dyan nung SAF na nakaligtas ay ‘a bridge too far‘ because they were trying to cross it to safety. It might as well be called as the bridge too far away from Manila that it can’t be repaired,” pahayag ni Recto.
Naniniwala si Recto na dapat tapatan ng gobyerno ng mga proyekto ang intensiyon na matigil ang kaguluhan sa Mindanao.
- Latest