MANILA, Philippines – Inamin ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales ngayong Martes na nagtitipon siya ng mga tao.
"I'm mobilizing our people... It's not a coup, it's people power," paglilinaw ni Gonzales sa kanyang pahayag sa ABS-CBN News Channel.
Nauna nang inakusahan ni Sen. Antonio Trillanes IV si Gonzales na nasa likod ng nilulutong kudeta laban kay Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Trillanes na kasama mismo ang kanyang impormante sa pagpupulong na ginawa ni Gonzales.
"Hindi ko alam kung saan nanggagaling si Senator Trillanes ... Hindi tama 'yung lagi mong iniisip na 'yung mga nagpaplano ng pagbabago ay gustong gamitin ang taumbayan at kontrolin," pahayag ni Gonzales sa hiwalay na panayam niya sa dzMM.
"Intelligence gathering is very tricky. I've been in that business so let us be careful in making conclusions out of raw data," dagdag niya.
Sinabi pa ni Gonzales na kilala niya ang mga nasa likod ng nilulutong kudeta at tiyak siyang hindi ito matutuloy.
Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang nagsiwalat na mayroong nilulutong kudeta laban kay Aquino, kaya naman pinaaaresto niya ang mga ito kay Defense Secretary Voltaire Gazmin.