MANILA, Philippines – Isinulong ni Las Piñas Rep. Mark Villar ang isang panukala bilang pagkilala sa karapatan ng bawat indibidwal sa kalusugan sa pamamagitan ng libreng gamot sa mahihirap.
Sa pamamagitan ng HB No. 5437, o ng “Free Medicine for the Poor Act” ay dapat pagkalooban ng libreng gamot ang mahihirap na mamamayan sa bansa.
Layunin nito na bigyan ng libreng gamot ang pinaka-mahihirap na mamamayan sa bansa, ayon kay Villar.
“Ang layunin ng programang ito ay ang ibangon sa kahirapan ang mga mamamayan. Para sa mga mahihirap na pamilya, problema ang paghanap ng makakakain araw-araw. Paano pa kaya ang gamot?” wika pa ni Rep. Villar.
Wika pa ni Villar, marami sa mga Pilipino ang namamatay hindi dahil sa malala ang kanilang sakit, kung hindi ay wala silang gamot para sa kahit na simpleng sakit.
“Ito ang reyalidad. Hindi pwedeng balewalain ito ng gobyerno,” sabi ni Villar.