MANILA, Philippines – Nagsampa ng 20 kaso ng falsification ang isang grupo ng residente sa Puerto Princesa City sa Prosecutors Office ng lungsod laban kay Alroben Goh na lead petitioner sa recall election laban kay Mayor Lucilo Bayron.
Kasama ang kanilang abogadang si Jean Lou Aguilar, nagreklamo nitong Pebrero 5 na hindi nila alam at wala silang nilagdaang anumang dokumento para i-recall si Bayron na tumapos sa liderato ng pamilya Hagedorn matapos ang 20 taong panunungkulan.
Wika pa ni Aguilar na ginamit ni Goh ang kanilang mga pangalan sa petisyon nang hindi nila nalalaman at wala silang pahintulot dahil sinusuportahan nila si Bayron na inilarawan nilang “repormista.”
“Ang mga pangalan, tirahan at lagda ng mga nagreklamo ay isinama bilang bahagi ng recall petition ni Goh para akalaing sumusuporta sila para magkaroon ng halalan sa Puerto Princesa,” ani Aguilar. Nilinaw ng mga nagreklamo na pananagutin nila si Goh upang umamin kung sino ang utak o nagpakana ng tiwaling gawain na lumabag sa kanilang mga karapatan.
“Hindi namin kailanman susuportahan ang anumang petisyon para i-recall si Mayor Bayron dahil maganda ang kanyang mga reporma sa aming lungsod,” ayon sa mga nagreklamo.
Sa liderato ni Bayron, lumikha siya ng kasaysayan nang dayuhin ng 694,000 turista ang Puerto Princesa mula Hulyo 2013 hanggang Enero 2014 na nalagpasan ng mahigit 12,000 turista ang parehong panahon noong 2012 hanggang 2013.