MANILA, Philippines – Maaari nang hindi mag-ayuno ang mga Pilipinong Chinese sa Ash Wednesday, Pebrero 18, na natapat sa pagdiriwang ng bisperas ng Chinese Lunar New Year.
Alinsunod ito sa Circular No. 2015-11 na ipinalabas ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
“In view of the celebration of the Chinese Lunar New Year, its cultural and spiritual importance and the traditional practices associated with it, we therefore grant dispensation from the obligation of fasting and abstinence to our Chinese-Filipino and Chinese Catholics in the Archdiocese of Manila from the afternoon of February 18, 2015 until midnight,” sabi ni Tagle.
Tuwing sasapit ang Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng Kuwaresma o 40 araw na paghahanda para sa paggunita ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo ay obligado ang mga Katoliko na mag-ayuno.
Maaari lang kumain ang nag-aayuno ng “one full meal” at bawal din ang pagkain ng karne.
Gayunman, may paalala pa rin ang arsobispo sa mga Filipino-Chinese na hindi mag-aayuno.
Bilang kapalit, kailangan nilang magsagawa ng ibang pamamaraan ng pagsisisi, pagtulong sa kapwa at iba pa.