MANILA, Philippines – Hindi umano dapat itago o ibahin ang mga mahalagang detalye sa health declaration checklist ng isang overseas Filipino worker lalo na ang mga uuwi mula sa Middle East upang hindi ito maging sanhi ng pagkakapasok sa bansa ng sakit na Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV).
Panawagan ito ng Department of Health (DOH) sa OFWs na uuwi sa Pilipinas mula sa Gitnang Silangan kasunod nang kumpirmasyon na isang buntis na Pinay nurse mula sa Saudi Arabia ang nag-positibo sa MERS-CoV.
May 11 katao na nagkaroon ng close contact sa pasyente ang kasalukuyan na ring sinusuri matapos na makitaan din ng sintomas kabilang dito ang asawa ng Pinay nurse.
Ayon kay acting Health Secretary Janette Garin, malaki ang maitutulong nito sa pamahalaan para maiwasang makapasok na muli sa bansa ang MERS-CoV at iba pang nakakahawang sakit.
“Nananawagan po ulit kami sa lahat ng pasahero na galing sa ibang bansa na please fill up honestly and properly the Health Declaration Checklist, ‘yung yellow na form, para hindi po tayo mahirapan at tayo ay magkatulungan,” panawagan ni Garin.
Ang history of travel ng isang tao sa Middle East ay isang mahalagang impormasyon sa pagtukoy kung siya ay may MERS-CoV, lalo na’t hindi kaagad nakikita ang sintomas ng sakit.
“Ang MERS-CoV kasi ang sintomas para siyang flu, para ring asthma, so it’s very difficult for us to pinpoint it as MERS-CoV lang. ‘Yung nagiging link ay ang history of travel to the Middle East region,” paliwanag pa ng kalihim.
Tiniyak naman ni Garin na lahat ng points of entry sa bansa ay masusi na nilang minu-monitor matapos ang kumpirmasyon ng unang MERS-CoV sa bansa.
Patuloy pa ring nananawagan si Garin sa mga pasahero ng Saudi Airlines flight 860 na lumutang at magpasuri upang makatiyak na hindi sila nahawahan ng sakit.