Libu-libong kababaihan nag- martsa sa One Billion Rising

MANILA, Philippines – Libu-libong kababaihang miyembro ng partylist group na Gabrie­la ang nagmartsa at nagrali sa Bonifacio shrine sa Maynila kahapon bilang bahagi ng pandaigdigang kampanyang One Billion Rising na naglalayong iwaksi ang mga karahasan laban sa mga babae at bata.

Nagpamalas sila ng mala-martial arts na indak sa saliw ng awiting  “Bangon Sa Rebolusyon” na tila sinasariwa ang sigaw ng bayaning si Gat Andres Bonifacio.

Sa naturang rali na may temang #Rise4­Revolution, inupakan ng Gabriela ang pamahalaang Aquino na sinisisi sa ibayong kahirapan at pagkaalipin ng mga babae.

“Gutom at kahirapan, at ngayon ay digmaan at korupsyon ang resulta ng pagkatuta ni Aquino sa dikta ng Amerika para makontrol ang ­ating likas yaman, pati ang dangal ng ­ating kababaihan. Kapag hindi pa siya magbitiw sa pwesto sampu ng kanyang gabinete, tiyak na hindi lang ilang pulis at rebelde ang mapapahamak kundi ma­ging ang milyon-milyong sibilyan na karamihan ay kababaihan!” sambit ni ­Gabriela Congresswoman Emmi de Jesus.

Sumama rin ang mga militanteng kababaihan sa kampanya sa Baguio, Naga, Daet, Legazpi, Cebu, Davao, Batangas, at maging sa Compostela Valley. Nagsayawan din sila at humataw ng mga tambol at gangsa. Meron ding kahalintulad na pagkilos sa hanay ng mga Overseas Filipino Worker sa Hong Kong, San Francisco, Nueba York, Nagoya, Riyadh, Roma at Dubai na pinagbigkis ng sigaw para isulong ang gender equality.

Ayon naman kay OBR global director Monique Wilson, ang #Rise4Revolution ay matatag na pagtulak sa layuning systemic change, ang tuluyang pagbuwag sa mga luma at nabubulok na istruktura ng inhustisya para palitan na ng isang sistemang nagbibigay ng tunay na katarungan sa kababaihan.

Paliwanag naman ni Joms Salvador, kalihim ng militanteng Gabriela, hindi simpleng pagpasa ng mga batas sa gender ang makalulunas sa suliranin ng kababaihan, bagkus ay kailangan ng pagbuwag sa sistemang mapaniil, at mga babae at lalaki mula sa hanay ng masa ang magpa­patupad ng pagbangon sa rebolusyon.

Show comments