MANILA, Philippines - Isang residente ng Lingayen, Pangasinan ang humiling sa Department of Environment and Natural Resources na ipatigil at buwagin ang itinatayong tatlong kilometrong konkretong pader sa baybaying lugar ng mga barangay ng Estanza, Sabangan, Maimpuec at Capandaan na hinihinalang may nagaganap na magnetite mining.
Ayon sa sulat ni Rolando Rea kay DENR Secretary Ramon Paje, ang anim na talampakang taas na pader na itinayo mula noong 2012 ng pamahalaang panlalawigan at guwardiyado ng mga armadong tao ay naging sanhi umano para hindi makapunta ang mga mahihirap na residente sa dagat na pinagkukunan nila ng kanilang kabuhayan.
Si Rea ay isa sa complainant sa black sand mining case laban kay Pangasinan Gov. Amado Espino.
Halos limang taon nang nakatayo ang nasabing pader upang maitago umano ang black sand mining operations sa dalampasigan.
Sinabi pa niya na ang pagsasampa niya ng reklamo laban sa illegal magnetite mining operations sa coastal town ay naging batayan upang sibakin sina Provincial Administrator Rafael Baraan at Alvin Bigay ng provincial housing urban develop council office dahil sa grave misconduct.