MANILA, Philippines - Hinamon ng Volunteer Against Crime and Corruption (VACC) si Commission on Human Rights (CHR) chair Etta Rosales na magpalabas ng pagkondena hinggil sa brutal na pamamaslang ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa SAF commandos.
Ayon kay VACC board of trustees Boy Evangelista, bahag ang buntot ng CHR dahil puro pulis at militar lamang ang kaya nitong kondenahin gaya ng lagi nitong ginagawa sa nakalipas na panahon.
Sinabi ni Evangelista na dapat patunayan ng CHR ang kanyang mandato na tagapag-masid ng paglabag sa karapatang pantao ng lahat ng Pilipin, Muslim man o Kristiyano.
Paliwanag ni Evangelista, ang video na kumakalat sa social media ay patunay na barbaric at hindi makatao ang pamamaraan ng pagpatay ng MILF na aniyay maituturing na ngayong isang terorista.
Anya, nangilabot siya nang mapanood ang video kung paano ka-brutal na pinatay ng isang hinihinalang MILF ang naghihingalong SAF trooper.
Batid anya ng buong mundo na ang pamamaraan ng terorista ay barbaric at hindi makataong pagpatay na kanyang nakita ngayon sa hanay ng MILF.
Dahil dito, dapat anyang mag-isip-isip ang gobyerno sa patuloy na pagsulong sa Bangsamoro Basic Law dahil nakakatakot umanong magtiwala sa isang grupo na walang sinseridad sa usaping kapayapaan sa bansa.