Pinay nurse na may MERS-CoV, buntis
MANILA, Philippines - Buntis ang Pinay nurse mula Saudi Arabia na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome Coronavirus (MERS-CoV) kaya nahihirapan ang mga doktor sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa pagbibigay ng lunas sa pasyente.
Ayon kay Health Sec. Janet Garin, hindi maaaring bigyan ng basta gamot ang 32-anyos Pinay nurse. Dahil sa kalagayan nito na nasa apat hanggang limang buwang buntis, may gamot na hindi maaaring ibigay sa pasyente.
Hindi rin aniya maisalang sa X-ray ang pasyente kaya pinakikinggan na lamang ng mga ekspertong doktor ang ingay sa baga nito para malaman ang lawak ng pinsala.
Hindi pa masabi ni Garin ang sitwasyon ng sanggol sa sinapupunan pero umaasa silang hindi ito maaapektuhan bagama’t may posibilidad na mahawa ito.
Sa ngayon aniya, stable ang lagay ng Pinay nurse sa RITM. Wala na itong lagnat pero nananatiling positibo sa virus.
Pebrero 1 nang dumating sa bansa ang Pinay sakay ng Saudia Flight 860 at na-confine sa RITM noong Pebrero 10 sa negative pressure room sa RITM matapos makaranas ng lagnat, body pains, ubo at hirap sa paghinga na pawang mga sintomas ng sakit.
Sa ngayon, 90 pa lamang sa 225 sakay ng eroplano ang natunton ng DOH at 63 pa lang dito ang rumesponde.
Nanawagan si Garin sa mga nakasakay ng Pinay nurse na agad makipag-coordinate sa kanilang regional offices o sa any DOH hospital o tumawag sa DOH hotline 711-10001 o 711-1002 para agad ma-test upang matiyak na negatibo sila at hindi makahawa.
Pinawi naman ni Garin ang pangambang makahawa ang mga doktor at iba pang health care workers ng RITM na gumagamot sa Pinay nurse.
Ayon kay Garin, ang mga nag-aasikaso sa mga pasyente ay may personal protective equipment laban sa Ebola kung saan hindi rin hahawak ng ibang pasyente ang mga doktor at health care workers na nag-aasikaso sa pasyente dahil naka-focus lamang ito sa MERS CoV patient.
- Latest