MANILA, Philippines - Maaaring gamitin ang video kung saan makikita na pinagbabaril hanggang sa mapatay ang 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng mga rebelde noong Enero 25 sa Mamasapano, Maguindanao.
Ayon kay Justice Sec. Leila de Lima, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation na siyasating mabuti kung tunay ang video na kumakalat ngayon sa mga social networking sites.
“First of all, iyong gagawin is to authenticate and to try to validate the authenticity of that video. And then, kung authenticated or validated, then definitely, that would be evidence; that would be very important for evidentiary purposes,” ani de Lima.
Tiniyak ni de Lima na may kakayahan ang Cybercrime Division ng NBI na alamin kung saan galing ang video at kung tunay ito gayundin ang pagkakakilanlan ng mga bumaril. Sakali aniyang tunay ang video maaari itong tanggapin sa korte bilang ebidensiya.
Binigyan diin ni de Lima na may ilang regulasyon upang tanggapin ng korte ang ebidensiya. Kabilang na rito ang, pag-trace kung sino ang kumuha ng video at anong oras ang video.
Paliwanag ni de Lima, ang pamamaril kung saan makikita umano ang pagmamakaawa ay maituturing na summary execution.
Sa ilalim aniya ng International Humanitarian Law, ang mga nasabing “circumstances” tulad ng armed conflict ay hindi maaaring gawing excuse upang bigyan ng hustisya ang “barbaric and cruel” acts na labag pa rin sa batas.
“Hindi pwede ma-justify yan at any circumstance kasi nga it’s an act of cruelty... Overkill, kasi bakit kailangan ulit ulitin na barilin?” ani de Lima.(Doris Borja)