MANILA, Philippines - Nagmistulang palengke at karnabal ang ginawang pagdinig sa Kamara kaugnay sa Mamasapano masaker kung saan napatay ang 44 miyembro ng PNP-SAF.
Pasado alas-9 ng umaga ng simulan ang joint hearing ng House Committee on Public Order and Safety sa pamumuno ni Negros Occidental Rep. Jeffrey Ferrer at House Committee on Peace, Reconciliation and Unity ni Basilan Rep. Jim Hataman Salliman.
Nagsimula ang pagtatalo ng mga kongresista ng mag-mosyon si Cebu Rep. Gwen Garcia na magsagawa muli ng pagdinig ang komite tungkol sa nasabing insidente sa susunod na linggo dahil imposible umanong malaman ang katotohanan sa pagkasawi ng Fallen 44 sa loob lamang ng isang araw na pagdinig.
Agad itong tinutulan ni Caloocan City Rep. Egay Erice, dahil marami pa umanong trabaho ang kanilang mga resource person at baka mahostage lang mga ito dahil sa gagawing pagdinig.
Dahil dito kaya nagkanya-kanya at sabay-sabay nagsasalita ang mga kongresista na nagdudulot ng kalituhan sa chairman ng mga komite kung sino ang pagsasalitain.
Sumingit naman si Zamboanga Rep. Celso Lobregat at nangatwiran na hindi dapat limitahan ang Kamara sa pagdinig.
Napansin din na sa tuwing mayroong hindi napapagkasunduan ang mga kongresista ay sabay-sabay na nagsasalita ang mga kongresista bukod pa rito ang mga side comments mula sa ilang kongresista habang mayroong nagsasalita sa mikropono.
Sa bandang huli nagdesisyon ang chairman ng komite na muling magsagawa ng pagdinig sa Martes at Miyerkules sa susunod na linggo. (Gemma Garcia)