Pinay nurse sa Saudi positibo sa MERS-CoV

File photo

MANILA, Philippines - Nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome–Corona Virus (MERS-CoV) ang isang Pinay nurse na nagmula sa Saudi Arabia.

Kinumpirma ni DOH spokesperson Lyndon Lee Suy na nitong Pebrero 1 nang magbalik sa Pilipinas ang isang 32-anyos Pinay nurse lulan ng Saudi Airline flight 860.

Nagpakonsulta sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang nasabing pasyente dahil sa lagnat, pananakit ng katawan, ubo at hirap sa paghinga na sintomas ng MERS-CoV.

Pebrero 10 nang ma-confine sa RITM sa Muntinlupa ang nurse at isinailalim sa tatlong pagsusuri kung saan ito ay nagpositibo sa nasabing virus.

Kasama ng naturang nurse sa pag-uwi ang kanyang mister na ngayon ay inoobserbahan din sa ospital.

Kino-contact na rin ang mahigit 200 pasahero na nakasalamuha ng Pinay sa eroplano.

Ang MERS ay maituturing na mas mapanganib su­balit hindi ganon kadali makahawa kumpara sa severe acute respiratory syndrome (SARS) virus na tumama sa Asya noong 2003 na siyam na porsiyento sa mga ito ay tuluyang namatay.

Kahalintulad din ng SARS ang MERS na nakakaimpeksyon sa baga ng isang tao kung saan dumaranas ito ng matinding pag-ubo, hirap sa paghinga at pagkakaroon ng lagnat.

Ang MERS ay nagiging sanhi rin ng rapid kidney failure. Ang iba pang sintomas ay pagtatae at sakit sa bato.

May mga nagpositibo naman na hindi nakikitaan ng mga sintomas.

Una ng inihayag ng DOH na maiiwasan na kapitan ng virus kung palaging naghuhugas ng kamay, takpan ang ilong at bibig sa pagbahing at pag-ubo, palakasin ang resistensya tulad ng sapat na tulog, pag-inom ng maraming tubig, ehersisyo at iba pa. (Doris Borja)

 

Show comments