MANILA, Philippines - Nasa “coma” ngayon ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) makaraang masangkot ang Moro Islamic Liberation Front sa brutal na pagpaslang sa 44 miyembro ng PNP-Special Action Force sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, chairman ng Senate Committee on Local Government, na kung sa House ay “dying” o mamamatay na ang BBL, para sa kanya ang BBL ay nasa coma.
Iginiit ng senador na lalo lamang nagkaroon ng pagdududa sa sinseridad ng MILF sa prosesong pangkapayapaan dahil sa patuloy na hindi pagdalo ni MILF chief negotiator Mohager Iqbal sa imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano masaker.
Hindi rin pabor si Marcos sa inihayag ni Iqbal na mananatiling revolutionary organization ang MILF hanggat hindi pa ganap na naipatutupad ang kasunduang pangkapayapaan.
Inamin ni Marcos na delikado talaga ang status ng BBL sa ngayon bagamat hindi pa naman siya sumusuko o nawawalan ng pag-asa sa prosesong pangkayapaan
Kumbinsido si Marcos sa naging pahayag ni Sen. Chiz Escudero na kung pagbobotohan ngayon ang kasalukuyang porma o nilalaman ng BBL, tiyak na ito ay mababasura.
Ayon sa senador, kahit na anong uri ng BBL ay malabong makalusot hindi lang sa Senado kung hindi maging sa Kamara dahil sa patuloy na tumitindi ang emosyon lalo pa’t may lumabas na video footage kung paano brutal na pinaslang o minasaker ang mga tauhan ng PNP-SAF. (Malou Escudero)