MANILA, Philippines – Hindi napigilan ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge (OIC) Leonardo Espina na mapaluha matapos alalahanin ang sinapit ng mga nasawing miyembro ng Special Action Force.
Sinabi ni Espina na base sa medico-legal ay buhay pa ang kanyang mga tauhan nang barilin sa ulo ng mga kalaban, habang ang iba naman ay hinubaran.
“Ano ba itong overkill na ginawa ninyo sa mga tao ko?" tanong ng OIC sa pagharap niya sa Kamara para sa imbestigasyon sa madugong Mamasapano clash
“'Di ako makatulog sa mga reports. 'Yung isa binaril sa ulo, buhay pa ang tao. 'Yung isa hinubaran ng vest. Buhay na buhay pa ang mga tao ko,” dagdag niya.
Iginiit ni Espina na para sa kapayapaan ang buong PNP kaya naman masama ang loob niya sa pagkasawi ng 44 SAF na ginagawa lamang anila ang kanilang trabaho.
“Ang PNP, we are all for peace. Sagutin niyo lang po ako. My men, buhay na buhay, di man lang pinauwi sa mga anak,” pagpapatuloy niya.
“Simpleng mga tao lamang ito, legal na operasyon, kinuha lang yung terorista... Bigyan naman natin ng hustisya.”
Humihingi si Espina ng kasagutan upang aniya'y may maisagot din siya sa mga nasawing miyembro ng SAF kapag nagkita-kita sila sa langit.
“I want answers so than when we see each other in the afterlife, I can tell them what happened.
Matapos ang emosyonal na pahayag ni Espina ay nilapitan siya ng nasibak na SAF commander Getulio Napeñas na napaluha rin.