MANILA, Philippines – Hindi rin dinaluhan ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) chief peace negotiator Mohagher Iqbal ang imbestigasyon ng Kamara sa Mamasapano clash 44 tulad ng kanyang hindi pagsipot sa Senado nitong nakaraang dalawang araw.
Iisa pa rin ang rason ni Iqbal sa hindi pagdalo at ito ay nais niyang hintayin munang matapos ang kanilang sariling imbestigasyon sa pagkasawi ng 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Force.
Nais din niya na magkaroon ng executive session, tulad ng hiniling niya kay Senador Grace Poe na siyang chairperson ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
BASAHIN: MILF kalaban pa rin ng gobyerno?
Muling binanggit ng peace negotiator na isasauli nila ang mga armas at personal na gamit ng mga nasawing pulis.
Naiba lamang sa liham ni Iqbal sa Kamara ang hindi pagbanggit na nananatili silang “revolutionary organization.”