Amihan hanggang sa 2nd week ng Marso
MANILA, Philippines – Mamamalagi pa rin sa bansa ang hanging amihan hanggang sa ikalawang linggo ng Marso kayat patuloy na makakaranas ng malamig na panahon ang publiko laluna sa bandang umaga.
Sinabi ni Alvin Pura, climatologist ng PAGASA, karaniwan sa mga panahong ito ay malamig pa ang panahon dahil patuloy na natutunaw ang yelo sa Siberia at China.
“Yung hangin na galing sa hilagang silangan ay mula sa bansang Siberia at China kayat yung lamig ng yelo na natutunaw mula doon ay nadadala papunta sa atin sa Pilipinas kayat malamig ang nararamdaman natin laluna sa bandang umaga,” sabi ni Pura.
Anya, ngayong buwan ng Pebrero ay 0 to 1 ang inaasahang bagyo na maaaring pumasok sa bansa pero dahil sa malamig ang panahon, wala tayong inaasahan na bagyo.
Anya, sa ikatlong linggo naman ng Marso maaaring unti-unti nang uminit ang panahon sa bansa dahil sa pagkawala na ng amihan sa bansa.
Pinapayuhan din ng PAGASA ang publiko na ingatan ang kalusugan dahil sa pabago bagong panahon.
- Latest