MANILA, Philippines – Nagbabala kahapon ang Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong sa mga Pinoy travelers na mag-ingat laban sa paglaganap ng sakit na influenza o trangkaso sa nasabing Chinese territory.
Ayon sa Philippine Consulate General sa Hong Kong, mula sa huling tala ng Centre for Health Protection ng Hong Kong nitong Pebrero 5, umaabot na sa 118 katao na tinamaan ng nasabing sakit ang nasawi habang 187 naman ang may seryosong kaso ngayong taon.
Sinabi sa ulat na ang influenza o flu ay isang acute illness ng respiratory tract dahil sa influenza virus.
Nabatid na karaniwang lumalaganap ang nasabing sakit mula Enero hanggang Marso at Hulyo hanggang Agosto sa Hong Kong.
Mula sa tatlong tipo o klase ng influenza virus na A, B, C, ang Influenza A o H1N1 virus ang nagiging isa sa mga seasonal influenza strain sa Hong Kong.
Kasalukuyan umanong naka-monitor ang Konsulado sa kaganapan at pinapayuhan ang publiko na tingnan ang kaso ng influenza sa CHP webpage www.chp.gov.ph o kaya ay tumawag sa hotline 2125-1111.