MANILA, Philippines – Muling hindi dumalo si Moro Islamic Liberation Front (MILF) peace panel chairman Mohagher Iqbal sa ikalawang araw ng imbestigasyon ng Senado kaugnay ng Mamasapano clash.
Si MILF Coordinating Council on the Cessation of Hostilities chairman Rasid Ladiasan ulit ang humarap sa imbestigasyon kapalit ni Iqbal.
Sinabi ni Iqbal sa kanyang liham kay Sen. Grace Poe na haharap lamang siya sa Senado kapag natapos na nila ang kanilang sariling imbestigasyon.
"[The] findings ... will be the basis of my statements to the relevant committees of the Senate," nakasaad sa liham ni Iqbal.
Nais din ng MILF na maging pribado ang kanyang mga pahayag sa isang closed-door Senate executive session.
Iginiit din ni Iqbal na nananatiling “revolutionary organization” ang MILF sa kabila ng usaping pangkapayapaan sa pagitan nila ng gobyerno.
"While we may have signed a peace agreement with the Philippine government after 18 years of intermittent war and negotiations, that peace agreement is yet to be implemented," dagdag niya.
Mariing itinanggi ng MILF na nasa pangangalaga nila ang napatay na Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan.
Umabot sa 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force ang nasawi sa pakikipagbakbakan nilas a MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.