MANILA, Philippines – Arestado ng operatiba ng Manila Police District-District Police Intelligence Operations Unit (MPD-DPIOU) ang isa sa apat na akusado sa pagpatay sa isang bagitong pulis na dating nakatalaga sa National Capital Region Police Office –Regional Public Safety Battalion (RPSB) noong Marso ng nakalipas na taon.
Sa ulat ni Senior Inspector Rizalino Ibay Jr, hepe ng DPIOU, may isang linggong surveillance bago nila naaresto ang suspek na si Vincent Bona , alyas Vincent Belmonte, 32 , at residente ng Interior 45 Perla st., Tondo, Maynila. Isa siya sa apat na nagplano at mismong kasama sa pamamaril sa biktimang si PO1 Jessy Boy Lorenzo, na napatay noong Marso 19, 2013 ng madaling araw.
Malapitang binaril sa ulo si PO1 Lorenzo habang nakatuon ang pansin sa pagpapa-load sa kaniyang cellphone sa isang sari-sari store sa Chesa St., dahil pa-duty na ito. Nang bumulagta ito ay tinangay pa ng apat na suspek ang service firearm nito.
Pinangunahan ng grupo ni Ibay at ni Insp. Edward Samonte ang pagmamanman sa lugar kung saan umano namataan ang suspek hanggang sa matiyempuhan ito alas- 9:30 ng gabi kamakalawa sa Perla St.
Bitbit ng mga operatiba ang warrants of arrest na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 45, sa kasong murder at Mla. RTC Branch 2 sa kasong attempted homicide laban sa suspek. Kasalukuyan siyang nakapiit sa MPD Integrated Jail.