MANILA, Philippines – Bunsod na rin ng madugong pagkakapatay sa isang 18-anyos na binata sa Tondo, Maynila noong nakaraang linggo, umapela si Manila Vice Mayor Isko Moreno sa mga Manilenyo na itigil ang gang war kung saan inosenteng sibilyan ang siyang nagiging biktima.
Ayon kay Moreno, walang buting idudulot ang gulo sa pagitan ng mga grupo ng kabataan at nasasayang pa ang kanilang mga panahon sa halip na pag-aaral ang pinagtutuunan ng pansin.
Idinagdag pa nito na inatasan na niya ang Manila Police District upang magdagdag ng tauhan na lilibot sa mga lugar ng Perla St. at iba pang lugar sa Tondo, upang maiwasan ang sunud-sunod na barilan.
Nabatid na nakipag-ugnayan na sila sa mga Brgy. officials at magulang ng mga naging biktima na gang war.
Sa pahayag ni MPD-Homicide Section chief, Senior Insp. Steve Casimiro, sinabi nito na iniimbestigahan nila ang anggulo na onsehan sa naganap na pagpatay sa biktima dahil may P100,000 na nais makuha ang mga suspek sa hinahabol ng mga ito.
Ani Casimiro wala pang linaw kung droga o utang na pera ang P100,000 na nais na makuha ng mga hindi pa nakikilalang suspek mula sa taong sumuko kay Moreno noong Sabado matapos ang ugnayan sa barangay.