'SAF operations laging bigo 'pag pinapaalam sa AFP'

MANILA, Philippines – Dinepensahan ng nasibak na Special Action Force (SAF) commander Getulio Napeñas ngayong Lunes ang naging operasyon nila sa Mamasapano, Maguindanao nitong Enero kung saan 44 na miyembro nila ang nasawi.

Marami ang nagtaka kung bakit hindi ipinaalam ng SAF sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang operasyon laban ay Malaysian terrorist Zulkifli bin Hir, alyas Marwan, at Basit Usman.

Sinabi ni Napeñas sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng Senado na hindi nagtatagumpay ang kanilang operasyon tuwing ipinapaalam nila ito sa AFP dahil sa umano'y may nagli-leak ng impormasyon.

"The main reason is that the operations and preparations are leaked whenever major operations against high value targets are conducted as the subjects. Both Marwan and Usman, are being coddled by the [Moro Islamic Liberation Front] whose members are in contact with the AFP and the PNP," pahayag ni Napeñas.

"The high-level operational security and secrecy are of utmost importance," dagdag niya.

Dahil sa pagdududang may nagbibigay ng impormasyon sa Moro Islamic Liberation Front at iba pang rebeldeng grupo ay pinapaalam na lamang nila sa militar ang kanilang operasyon kapag nailunsad na ito.

"Succeeding operations that coordination with the AFP will be 'time on target' of the arresting force to avoid the possibility that our operation will be compromised," paliwanag ni Napeñas.

Nauna nang sinabi ni AFP chief Gen. Gregorio Pio Catapang Jr. na iba sana ang resulta ng operasyon ng SAF kung ipinaalam ito sa kanila.

"Kung nakipag-coordinate sila, siyempre i-inform namin ang MILF na may operation kami riyan sa lugar na 'yan, huwag sila makikialam," wika ni Catapang.

Show comments