Express bus papasada sa Edsa

MANILA, Philippines - Ilulunsad ng MMDA ang mga tinatawag na Express Bus sa Edsa para mapabilis ang pagbiyahe ng mga pasahero sa mga importanteng destinasyon.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, ang Express Bus ay magsasakay lamang sa EDSA-Monumento at magbababa lang sa Pasay. Katwiran ng MMDA, ang mga pasahero na papasok sa kanilang trabaho o paaralan ay naaantala sa palagiang pagtigil ng mga regular na pampasaherong bus sa mga loading area at paghaba ng pila ng mga ito sa paghahakot at pagbababa ng mga pasahero.

Makakadagdag rin umano ito sa pagbawas sa sikip ng trapiko dahil hindi na kailangang makipag-agawan sa pasahero ng mga bus na isasali sa naturang programa.

Nasa 50 bus na may kasalukuyan nang prangkisa ang unang isasali sa programa. 

Nakiusap rin umano ang DOTC sa MMDA na huwag nang obliga­hing padaanin sa “yellow lanes” ang mga Express Bus upang walang sagabal sa mabilis nitong biyahe.

Maaari rin umanong maging ruta ng Express ang iba pang importanteng destinasyon tulad ng Ayala Avenue sa Makati City, Alabang sa Parañaque at EDSA North sa Quezon City.

 

Show comments