MANILA, Philippines - Hiniling ni Isabela Rep. Rodito Albano kay Pangulong Aquino na sibakin ang mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa kabiguan ng mga ito na maabot ang renenue target noong 2014.
Ayon kay Albano, alinsunod lamang ito sa nakasaad sa lateral attrition law na nagtatakda ng parusa sa mga opisyal ng Revenue Generating Agencies na bigong makaabot ng target at reward naman para sa makakapagtala ng surplus sa kanilang koleksyon.
Paliwanag pa ng mambabatas na sa taong 2014, umabot lamang ng 366.87 bilyon ang nakolekta ng BOC sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner John Sevilla kung saan kapos ito ng mahigit 41 bilyon kumpara sa target na 408 bilyong koleksyon.
Idinagdag pa ni Albano na kung ganito ang performance ng BOC ay wala sa sinumang opisyal nito ang dapat na makaligtas sa parusa ng batas
Dahil dito kaya hiniling din ng kongresista sa Kamara ang congressional review sa implementasyon ng lateral attrition law.
Ito ay dahil sa mabigat umano ang epekto sa ekonomiya ng bansa ang kahinaan sa pagpapatupad nito at kakapusan ng koleksyon ng buwis.
Malaki rin umano ang epekto nito sa kalagayang pinansyal ng bansa dahil nagreresulta ito sa budget deficit.