NBI agents kasado na sa Mamasapano incident

MANILA, Philippines - Nagpadala na ng mga tauhan ang National Bureau of Investigation sa Mamasapano, Maguindanao kaugnay sa imbestigasyon sa naging bakbakan ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force sa MILF at BIFF na nauwi sa pagkamatay ng tinaguriang “Fallen 44”.

Kinumpirma ni NBI Director Virgilio Mendez na ang mangunguna sa pagkuha ng datos ay ang mga NBI agents na nakatalaga sa Mindanao. 

Kabilang sa partisipasyon ng mga ahente ng NBI ang intelligence gathering at pagtukoy sa mga posibleng testigo na ilalatag naman sa panel ng pro­secutor.

Binigyan naman ng 60 araw na palugit ni Justice Secretary Leila de Lima ang binuong joint NBI-Pro­secution Service special investigation para magsumite ng final report sa “Mamasapano”.

Ang grupo ay kabibilangan nina Assistant State Prosecutors Juan Pedro Navera, Irwin Maraya, Gino Paolo Santiago, Jocelyn Dugay at Atty. Ethel Rea Suril.

Show comments