MANILA, Philippines - Kinumpirma kagabi ni Pangulong Aquino sa kanyang panibagong mensahe sa sambayanan na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni suspended PNP chief Alan Purisima.
“Tinatanggap ko effective immediately ang resignation ni Purisima at nagpapasalamat ako sa mahabang panahon na kaniyang paglilingkod bago nangyari ang trahedyang ito,” wika ng Pangulo.
Sa kanyang pahayag, pinasalamatan ng Pangulo si Purisima sa naging papel nito sa pagbibigay ng positibong impormasyon na naging susi upang mapatay ng SAF troopers ang Malaysian bomb expert na si Zulkifli bin Hir alyas Marwan.
Sabi ni PNoy, bagama’t masakit para sa kanya ang pag-alis ni Purisima na matagal na niyang kaibigan ay tinanggap niya ang pagbibitiw nito bilang pinuno ng PNP.
Siniguro din ni Aquino ang pagtugis ng gobyerno laban kay Basit Usman kasabay ang pakiusap sa MILF na kung ito ay nasa kanilang teritoryo ay isuko na nila ito.
“Kung si Usman ay nasa inyong teritoryo ay isuko ninyo si Usman o tumulong sa paghuli sa kanya dahil sinisuguro ko sa inyo na sasagasaan namin ang sinumang haharang sa pagtugis kay Usman,” wika ni PNoy.
Inaasahan din ng Pangulo na lilitaw ang katotohanan sa isinasagawang imbestigasyon ng Board of Inquiry ng PNP pero inamin din nito na nagsagawa siya ng kanyang sariling imbestigasyon hinggil dito.
Sinisi pa ni PNoy ang kawalan ng koordinasyon ng SAF commander pero itinuloy pa din ang misyon gayung lihis na ito sa orihinal na plano at napakalaking peligro ang kinaharap tuloy ng SAF troopers.
Bago ito ay pinarangalan ng Pangulo ang mga sugatang SAF troopers sa Malacañang.
Pinagkalooban niya ang mga ito ng plake at medalya ng sugatang magiting ang 11 wounded commandos at ang lone survivor na si PO2 Christopher Lalan.