MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Malacañang ang napaulat na nag-away at nagsigawan sina Pangulong Aquino at DILG Sec. Mar Roxas dahil kay suspended PNP chief Alan Purisima at Executive Sec. Paquito Ochoa Jr.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, isang kuwentong kutsero lamang ang ulat na nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang Pangulo at si Roxas ng hilingin ng DILG chief sa chief executive na sibakin na nito sina Purisima at Ochoa matapos ang madugong Mamasapano incident kung saan ay nasawi ang 44 miyembro ng Special Action Force.
Hiniling daw ni Roxas ang pagsibak kay Purisima upang ipakita sa pamilya ng nasawing SAF 44 na walang whitewash na mangyayari sa imbestigasyon nito sa Mamasapano incident at upang mapahupa ang galit ng mga naulila ng mga pulis.
Nang tumanggi daw si PNoy na sibakin sina Purisima at Ochoa ay nagwalk-out si Roxas at padabog na isinara nito ang pintuan.
Inamin mismo ng sinibak na SAF chief sa isang press briefing, na direkta siyang nagrereport kay Purisima at sadyang hindi ito ipinaalam kina PNP officer in charge Leonardo Espina at Roxas.
Sinabi ni Lacierda na hindi totoo at walang batayan ang report.