MANILA, Philippines – Ipagkakaloob ng pamahalaang-lunsod ng Makati ang tig-P100,000 tulong sa mga pamilya ng bawat isa sa 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na napatay sa sagupaan sa mga rebelde sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Ito ang ipinahayag kahapon ni Makati Mayor Jejomar Erwin S. Binay na nagsabi pa na ang mga SAF commando na nasugatan sa naturang sagupaan ay tatanggap din ng tig-P50,000.
“Ito ang mapagkumbabang paraan ng pagkilala namin at pasasalamat sa ating mga bayani na tumupad sa kanilang tungkulin sa pangangalaga ng kapayapaan sa ating bansa hanggang sa huli nilang hininga,” paliwanag ni Mayor Binay.
Idinagdag ng alkalde na ang mga anak ng napatay na mga commando ay bibigyan din ng lunsod ng scholarship para makapag-aral sa University of Makati (UMak).
“Binubuksan namin ang pinto ng University of Makati para sa mga anak na namatayan ng ama lalo na yaong magtatapos na ng hayskul o nasa kolehiyo na pero nahihirapang magpatuloy ng pag-aaral dahil sa kakapusan sa pera,” sabi ni Binay.
Ang University of Makati ang unang lokal na pamantasan sa bansa na naging ISO-certified makaraang makatanggap ng ISO 9001:2008 certification. Nagkakaloob ito ng mga kurso sa kolehiyo tulad ng Arts and Sciences, Allied Health Studies, Business Administration, Education, at Technology Management.
Noong 2013, ang city government ng Makati ay nagkaloob din ng full scholars sa typhoon Yolanda survivors.