MANILA, Philippines – Hindi dapat na magbitiw sa posisyon si Pangulong Aquino sa gitna na rin ng umiinit na panawagan ng ilang mga arsobispo ng Simbahang Katoliko at ng militanteng grupo na bumaba na ito sa kapangyarihan bunga ng Mamasapano massacre sa “Fallen 44”.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., may mandato si Pangulong Aquino para mamuno sa bansa dahil inihalal ito ng taumbayan.
Sinabi rin ni Catapang na tsismis lamang o alingasngas ang umano’y namumuong kudeta laban kay PNoy.
“Wala pa po kaming natanggap na report dyan, we will look into that statement,” pahayag ng AFP chief.
Kabilang sa nanawagan ng pagbibitiw ni PNoy si Zamboanga Archbishop Romulo dela Cruz na lantarang sinabi na ‘incompetent ‘ o mahinang lider si PNoy.
“I ask that he step down because he is an incompetent president. He is not competent enough to run the affairs of the government. This particular incident, the massacre in Mamasapano, calls for something like that. He should step down for another president who can do better,” parunggit ng arsobispo laban kay PNoy.
Bilang reaksyon, sinabi pa ni Catapang na dapat hintayin na lamang na matapos ang termino ni Pangulong Aquino sa 2016.
Binigyang diin pa ni Catapang na hindi na kailangan ang loyalty check sa tropa ng militar dahil sumusunod ang mga sundalo at rumerespeto sa Chain of Command.
Maugong ang mga usapan na pagbagsak ng liderato ng gobyerno bunga ng Mamasapano massacre na posible umanong pagmulan ng kudeta.
Una rito, nanindigan ang Malacañang na tatapusin ni Pangulong Aquino ang kanyang termino at hindi ito magbibitiw sa kanyang tungkulin.