MANILA, Philippines – Isang sundalo ang napaslang habang apat pa ang nasugatan sa bakbakan ng tropa ng gobyerno at mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) sa bulubunduking bahagi ng Patikul, Sulu, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command, pasado alas – 4 ng hapon ng maganap ang bakbakan sa bahagi ng liblib at bulubunduking lugar sa Brgy. Latih Danag at Bungkaong; pawang sa bayang nabanggit.
Sinabi ni Muyuela, nasa 60 armadong bandido mula sa Lucky 9 Group na binansagang Ajang –Ajang sa pamumuno nina Abu Sayyaf Sub –Commanders Hatib Aseri, Basarun Arok at Bud Pula ang nakasagupa ng 1stScout Ranger Battalion (SRB) ng Joint Task Group (JTG) Sulu.
Ang Lucky 9 Group, ayon kay Muyuela ang responsable sa pananambang sa tropa ng Army’s 35th Infantry Battalion noong Enero 30 ng taong ito na ikinasugat ng dalawang sundalo na ikinasawi ng dalawang bandido habang isa pa ang nasugatan.
Sa panibagong bakbakan, ayon sa opisyal ay tumagal ng mahigit isang oras na ikinasawi ng isang sundalo habang apat pa sa tropang gobyerno ang nasugatan.
Samantalang mabilis namang nagsitakas ang mga bandido patungo sa direksyon ng kagubatan.
Nagpapatuloy naman ang isinasagawang law enforcement operations ng tropa ng pamahalaan laban sa grupo ng mga bandido.