MANILA, Philippines – Aalamin ng Malacañang sa Bureau of Immigration (BI) kung paano nakalabas ng bansa si suspended PNP chief Alan Purisima sa gitna ng kontrobersya ng Mamasapano incident na sinasabing siya ang ‘nagkontrol’ kung saan ay 44 miyembro ng Special Action Force ang nasawi, ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Naunang hinamon na din ng Palasyo si Gen. Purisima na lumantad at magsalita ukol sa kanyang nalalaman sa Mamasapano incident noong Enero 25 kung saan ay naka-engkwentro ng mga SAF ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa paghahain nila ng arrest warrant laban kay Malaysian bomb expert Marwan at Basit Usman.
“Tungkulin po nya na ibigay ang kinakailangang impormasyon yung nalalaman nya dahil ayon naman po sa pangulo nag-umpisa pa dun sa kanyang kapanahunan ang operasyong ito,” wika pa ni PCOO Sec. Herminio Coloma Jr.
Wika naman ni Sec. Lacierda, aalamin muna nila sa BI kung nakalabas nga ba ng bansa si Purisima noong Biyernes patungong Saipan sa kainitan ng isyu ukol sa Mamasapano incident.
“We will verify with the BI (Bureau of Immigration). We will verify with the BI kung did he leave or did he not leave,” dagdag pa ni Lacierda.
Itinanggi naman ni Atty. Kristoffer James Purisima, legal counsel ng suspended PNP chief, na hindi lumabas ng bansa ang kanyang kliyente at handang dumalo ito sa pagdinig ng Senado sa Feb. 4.