Pagbuo ng Truth Commission inihain sa Senado
MANILA, Philippines – Inihain kahapon sa Senado ang panukalang batas na naglalayong magbuo ng fact-finding commission na tatawaging “Mamasapano Truth Commission” na bibigyan ng kapangyarihan na imbestigahan ang sinapit na pagkamatay ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015.
Ang Senate Bill 2603 ay inihain ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III na kinabibilangan nina Senators Teofisto “TG” Guingona III; Paulo Benigno “Bam” Aquino IV; at Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ayon sa tatlong senador mahalaga na magkaroon ng isang independent at impartial na komisyon na tutukoy kung bakit nangyari ang trahedya.
“Forty-four of our bravest elite police force perished in the grisly encounter, and twelve (12) remain suffering because of their injuries. The creation of this Commission shall be our humble way of honoring our fallen heroes, who served the country with excellence valor and patriotism. We should now allow their deaths or injuries to be in vain,” nakasaad sa resolusyon.
Naniniwala ang tatlong senador na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin malinaw kung papaano nangyari ang pagmasaker sa 44 na miyembro ng PNP-SAF na tinatawag ngayong “Fallen 44”.
Kung kakatigan ng mga mambabatas, ang bubuuing komisyon ay kabibilangan ng isang Chairperson, dalawang commissioners na itatalaga ni Pangulong Benigno Aquino III.
Bibigyan ng P50 milyon pondo ang komisyon na kukunin sa National Treasury.
- Latest