Senado bubuo ng Truth Commission
MANILA, Philippines – Malamig ang naging pagtanggap ng Palasyo sa panukala ng ilang senador na magbuo ng Truth Commission na mag-iimbestiga sa nangyaring paglusob ng mga miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa kuta ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na ikinasawi ng 44 commandos.
Ayon kay Communications Sec. Sonny Coloma, dapat pag-aralang mabuti kung magiging kapaki-pakinabang ang pagbuo ng Truth Commission dahil mayroon ng Board of Inquiry at Executive Commission.
Pero sinabi ni Coloma na hihintayin din ng Malacañang kung ano ang mangyayari sa pulong ng Senado at mga congressmen tungkol sa pagbuo ng Truth Commission.
May kalayaan naman aniya ang dalawang kapulungan ng Kongreso na magbuo ng mga panukala na makakatulong sa bansa.
Nakatakdang magsagawa ng press conference sa Lunes si Sen. TG Guingona kasama sina Sens. Bam Aquino at Koko Pimentel tungkol sa isinusulong nilang Truth Commission.
Inaasahang dadalo rin ang anim na kongresista na sang-ayon sa pagbuo ng Fact-Finding Commission.
- Latest