Roxas itigil ang turuan - UNA
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco kay Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na ihinto na ang sisihan sa nadiskaril na operasyon ng Philippine National Police laban sa teroristang Malaysian na si Zulkifli bin Hir alias “Marwan” na nagbunga sa pagkakamasaker sa mahigit 40 miyembro ng PNP-Special Action Forces.
Sinabi ni Tiangco na ang pananagutan ay hindi humihinto sa hepe ng PNP lang lalo pa at pansamantala lang itong kahalili ng suspendidong director-general. Dapat umanong balikatin ni Roxas ang ganap na responsibilidad sa operasyon ng pulisya bilang isa sa command ng PNP at alter-ego ng presidente.
Idiniin niya na hindi dapat maghugas-kamay si Roxas sa harap ng demoralisadong PNP para ipakita na hindi siya ang responsable sa pag-uutos ng operasyon sa Maguindanao laban kay Marwan.
“Sa ilalim ng sistema ng pangingibabaw ng sibilyan sa security forces, pangunahin pa ring responsibilidad ni Roxas ang kakayahan at moral ng PNP bilang instrumento ng pamahalaan at pagtitiyak na nasusubaybayan niya ang mga malalaking operasyon tulad ng tangkang pagdakip sa pandaigdigang teroristang tulad ni Marwan.”
Ayon kay Tiangco, dapat itigil ng DILG ang pagtuturo-turo at sa halip, siyasatin ang nabigong operasyon at kakapusan sa intelligence.
Pinuna niya na ang pagkakatanggal sa hepe ng SAF ay tila panakip-butas lang para maiwasan ang pagtukoy kung sinong mas mataas na opisyal ang dapat managot.
- Latest