MANILA, Philippines – Sinibak na rin sa puwesto ang hepe ng PNP-Public Information Office (PIO) na si Chief Supt. Wilben Mayor.
Ito ang kinumpirma ni Police Sr. Supt. Robert Po sa press conference kahapon sabay sabing itinalaga si Mayor bilang officer-in-charge sa Office of the Deputy Director, Directorate for Intelligence ng PNP.
Magbabalik sa kaniyang dating puwesto kapalit ni Mayor si P/Chief Supt. Generoso Cerbo Jr.
Si Mayor ay naitalagang PNP-PIO chief noong Setyembre 2013 matapos magsilbi bilang spokesperson ni PNP Chief Director General Alan Purisima.
Si Cerbo, isang abogado ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1985 at nagsilbing PIO noong 2012.
Una nang sinibak ang hepe ng PNP-SAF na si P/Director Getulio Napenas habang iniimbestigahan ang pagpatay sa 44 SAF men ng MILF at BIFF.