MANILA, Philippines — Bigo ang operasyon ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na matugis ang Malaysian terrorist at bomb-maker expert na si Zulkifli Abd Hir alyas Marwan sa Mamasapano, Maguindanao, ayon sa Moro National Liberation Front (MNLF) ngayong Miyerkules.
Sinabi ng tagapagsalita ng MNLF na si Emmanuel Fontanilla na wala sa Maguindanao si Marwan, taliwas sa pahayag ng PNP na napatay ng SAF ang terorista nitong Linggo, kung saan 44 nilang tauhan ang nasawi.
"Ang pagkakaalam namin ay yung kanilang subject ay wala po doon," wika ni Fontanilla sa dzMM.
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinaniwalaang patay na si Marwan. Noong Pebrero 2012 ay sinabi ng militar na nasawi si Marwan sa air strike sa Jolo, Sulu, ngunit dalawang taon ang lumipas ay inamin nilang nakatakas siya.
Walang katibayan ang PNP na nasawi nga si Marwan nitong Linggo at tanging larawan lamang ng bangkay niya ang umano'y hawak nila.
"May mga pictures, at ang mga pictures na ito ay dadaan sa proseso kung ito nga si Marwan, hindi ko masabi kung yung nasa picture nga ay si Marwan," pahayag ni Interior Secretary Mar Roxas.
Sinabi ni Fontanilla na mali ang intelligence na nakuha ng PNP.
"Nasa Lanao po [si Marwan], nasa Lanao. Mali yung intelligence nila e 'di dapat nagtanong sila sa amin," ani ng tagapagsalita.
"Mayroon din po kaming intelligence po, kasi ang mga taong ito, MILF, BIFF, MNLF, magkakaisa ho iyan e, mga magkakamag-anak iyan e. Mismong mga kamag-anak nila nagsasabi sa amin wala d'yan."