MANILA, Philippines – Hinikayat ng ilang kongresista si Pangulong Aquino na magdeklara ng National Day of Mourning dahil sa pagkamatay ng 44 miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF) sa kamay ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ayon kay Pangasinan Rep. Leopoldo Bataoil, ito ay para makapagdalamhati ang buong bansa at mga Pilipino kasama ang buong PNP.
Para naman kay Valenzuela Rep. Sherwin Gatchalian, isa itong pagbibigay pugay at pinakamataas na parangal na maigagawad sa mga SAF na nagbuwis ng buhay sa pagtupad ng tungkulin.
Bukod dito napaka-ironic umano na nangyari ang Mamasapano massacre sa gitna pa ng umiiral na tigil putikan sa pagitan ng gobyerno at MILF at sa pagbuo ng Bangsamoro Basic Law (BBL).
Kapag naideklara ang National Day of Mournin, ilalagay sa half mast ang lahat ng bandila ng bansa sa mga tanggapan ng gobyerno.
Hinamon naman ni ACT-CIS Rep. Samuel Pagdilao ang liderato ng MILF na isuko o tulungan ang gobyerno sa pagtugis sa mga international terrorists na nagtatago sa kanilang kontroladong lugar sa Mindanao.
Giit ni Pagdilao, nangako ang MILF sa pagtulong sa gobyerno subalit nakakapagtaka umano kung bakit hanggang ngayon ay nasa lugar nito ang mga teroristang sina Basit Usman at Marwan.
Nabasag din umano ang confidence na nabuo sa pagitan ng gobyerno at MILF sa panahong binubuo ang peace agreement dahil sa Mamasapano massacre.
Maibabalik umano ang confidence na ito kung maisusuko ng MILF sa gobyerno ang mga international terrorists.
Samantala, bilang pakikidalamhati, umpisa kahapon ay naka-half mast na ang bandila ng Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang lahat ng mga military instalations nito sa bansa.