Senate Blue Ribbon aarestuhin, ikukulong si Junjun Binay atbp.
MANILA, Philippines – Iniutos ngayong Lunes ng Senate Blue Ribbon Committee ang pag-aresto at pagpapakulong kay Makati Mayor Erwin “Junjun” Binay at limang iba pa dahil sa hindi pagdalo sa imbestigasyon ng senado kaugnay ng maanomalyang proyekto sa lungsod.
Inaprubahan ni Blue Ribbon Committee chair Teofisto Guingona III ang kahilingan ni Sub-Committee chair Sen. Aquilino Pimentel III na i-contempt ang limang opisyal ng lungsod ng Makati at si Binay.
Kabilang sa pinaaaresto at pinakukulong sina Eleno Mendoza, Eduviges Baloloy, Marjorie de Veyra, Line dela Peña at Bernadette Portollano.
Kaugnay na balita: Senado maaaring ipaaresto, ikulong si Junjun Binay
"The persons so named are hereby cited in contempt and the (Senate) Sergeant at Arms is hereby directed to serve the detention order and coordinate if need be, with the Philippine National Police," pahayag ni Guingona.
Si Baloloy ang sinasabing isa sa mga sekretarya ni Bise Presidente Jejomar Binay noong nanunungkulan pa siya bilagn alkalde ng Makati. Trabaho umano ni Baloloy ang pag-aasikaso ng pera ng mga Binay.
Dati namang city administrator at social welfare department head ng lungsod si De Veyra, habang si Mendoza ang kasalukuyang city administrator at Dela Peña ang assistant city engineer.
Si Portollano ang itinuturong corporate secretary ng OMNI Security na hinihinalang pagmamay-ari ng Bise Presidente.
Hindi kasama sa pinananagot sina Pag-Ibig Fund board member Tomas Lopez at ang pinuno ng University of Makati.
Isang beses lamang dumalo ang nakababatang Binay sa 13 pagdinig ng Senado sa umano'y pangungurakot ng pamilyang Binay sa lungsod gamit ang maanomalyang proyekto.
- Latest