MANILA, Philippines – Idinipensa kahapon ng mga mambabatas ang Precinct Count Optical Scan (PCOS) machines na ginamit sa nakaraang dalawang eleksyon kasabay ng pagbatikos sa “nuisance election watchdogs” na umano’y desperadong guluhin ang preparasyon para sa national at local election sa susunod na taon.
Binatikos ni Tarlac Rep. Noel Villanueva ang mga “advocates” dahil sa umano’y inilunsad nitong “well-oiled black propaganda” laban sa Commission on Election dahil sa desisyon ng Comelec na gamitin ang mahigit 81,000 PCOS machines para sa halalan sa May 2016.
Tinutukoy ng mambabatas ang mga grupong tulad ng Automated Election System Watch (AES-Watch), Philippine Computer Emergency Response Team (PhCERT) at Citizens for Clean and Credible Election (C3E) sa pangunguna ni dating Comelec Commissioner Augusto Lagman na nananawagan para sa pagbabalik sa mano-manong sistema ng botohan at bilangan.
Sinabi pa ni Villanueva na ang mga nagpapanggap na watchdogs ay nabigo namang patunayan ang kanilang ibinibintang na “electronic fraud” laban sa PCOS at sa halip ay umaaktong tila mga “nuisance candidates.”
Bukod dito, wala anyang katotohanan na puwedeng bilhin ang PCOS results. “Binili na sana ng mga mayayaman kong katunggali ang resulta because they have the money and connections pero wala namang ganung nangyari.”
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Magdalo party-list Rep. Ashley Acedillo na kuntento sila sa paliwanag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes kung bakit muling kinuha ng Comelec ang Smartmatic para serbisyuhan ang 80,000 PCOS machines.
“Dahil sa mas mababang gastos, mas tipid sa oras at walang gaanong kumplikasyon sa mga piyesa at iba pa, maganda ang desisyon ni Brillantes na kunin ang Smartmatic,” paliwanag ni Acedillo.
Dagdag pa niya, malapit na ang 2016 at ang panibagong sistema para sa PCOS machines ay hindi na aabot para sa susunod na eleksyon.