MANILA, Philippines - Umarangkada na kahapon ang month-long early registration sa mga pampublikong paaralan para sa School Year 2015-2016.
Ayon kay Education Secretary Br. Armin Luistro, ang early registration ay magtatagal hanggang Pebrero 27, 2015 sa lahat ng pampublikong elementarya at high school sa buong bansa.
Layunin ng maagang pagrerehistro ng mga mag-aaral na magkaroon ng maayos na pagbubukas ng klase sa Hunyo.
Sa pamamagitan kasi aniya nito ay mabibigyan ang departamento ng mas malinaw na larawan ng kabuuang bilang ng mga inaasahang enrollees sa susunod na pasukan.
Makakatulong aniya ito upang kaagad nilang matugunan ang mga hamon at problema na maaaring maganap sa panahon ng regular enrolment.
Nais rin aniya nilang matiyak na lahat ng batang nagkaka-edad ng limang taon ay maipapasok sa kinder habang ang mga anim na taong gulang ay maie-enroll naman sa Grade 1 sa Hunyo.
Target ng early registration ang mga out-of-school children (OSC) at out-of-school youth (OSY) mula sa marginalized sectors, kabilang na ang mga street children na edad lima hanggang 18-taong gulang. (Mer Layson)