Elementary pupils target ng NPA

MANILA, Philippines - Naalarma ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ulat na bukod sa recruitment ng mga kabataan ay nilalason rin umano ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kaisipan ng mga paslit.

“Nababahala kami sa panlilinlang ng mga NPA sa mga eskuwelahan,” pahayag ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc.

Ayon sa ulat, nagpakalat umano ng mga subersibong dokumento at mga babasahin ang mga rebeldeng NPA sa klasrum ng Tanulong Ele­mentary School sa Tanulong, Sagada, Mountain Province kamakailan.

Nagulat na lamang ang mga elementary pupils partikular na sa Grade V at Grade VI at pagpasok nila kinaumagahan ay may mga nakasingit sa pintuan at bintana na mga subersibong babasahin.

Nakapaloob sa mga dokumento ang dalawang set ng Bayan pamphlets na tumutuligsa sa mga sundalo na kalaban ng umano’y makataong rebolusyon na tagapagtanggol ng mamamayan, korap­syon umano sa gobyerno partikular na noong pananalasa ng bagyong Yolanda sa Visayas Region noong Nobyembre 2013, presensya ng mga sundalong Kano sa Pilipinas at iba pa.

Sa nasabing babasahin na kinumpiska ng mga guro sa mga inosenteng estudyante ay naghuhugas kamay rin ang mga rebelde at binibigyang katwiran ang ginawa nilang pa­nanambang sa tropa ng Army’s 54th Infantry Battalion noong Nob. 30, 2014.

Ang nasabing insidente ay kinondena naman ni Cordillera Police Director P/Chief Supt. Isagani Nerez sa pagsasabing desperado na ang kilusang komunista at pati mga bata ay nilalason pa ang isipan upang gawin itong susi sa recruitment ng kanilang grupo.

Nanawagan rin ang opisyal sa mga magulang na bantayan at gabayan ang kanilang mga anak.

 

Show comments