MANILA, Philippines - Sinibak kahapon ni PNP Officer-in-Charge P/Deputy Director Gen. Leonardo Espina ang budget officer ng Police Security and Protection Group (PSPG) dahil sa naantalang pagpapalabas ng pondo para sa food allowance ng mga pulis na idineploy sa Papal visit.
Sinabi ni PNP-PIO Chief Supt. Wilben Mayor na sinibak si Supt. Evangeline Martos base sa rekomendasyon ng PNP Director for Comptrollership.
Kasunod ito ng reklamo ng mga pulis na P700 lang ang natanggap nilang allowance sa halip na P2,400.
Sabi ni Espina, bago pa man ang papal visit ay dapat naibigay na ang nasabing pondo.
Si Martos ay sasailalim rin sa pre-charge evaluation ng Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM).
Kamakalawa ay mistulang blockbuster movie na pumila sa Camp Crame ang nasa 524 PSPG personnel para kunin ang balanse ng kanilang allowance.
Sisilipin din ng PNP ang ulat na mga panis na pagkain ang isinilbi sa mga pulis.