MANILA, Philippines - Sinabihan kahapon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang grupo ng mga panadero na ibaba pa ang presyo ng kanilang tinapay partikular na ang Pinoy tasty at pandesal.
Ayon kay DTI Undersecretary Victorio Dimagiba, bagama’t bumaba na ang presyo ng tinapay noong nakaarang taon bago mag-Pasko, kulang pa umano ito dahil bukod sa nagmura ang presyo ng harina, malaki rin ang ibinaba ng presyo ng liquified petrolelum gas (LPG) na pangunahing ginagamit sa paggawa ng tinapay.
Sa record ng DTI, umabot na sa P286 ang binaba ng presyo ng LPG at base sa kanilang bilang, dapat matapyasan pa ng P4.75 ang bawat loaf ng tasty bread habang P1.60 naman sa bawat pack na naglalaman ng 10 pandesal.
Sa kasalukuyan ay nabibili sa P36.50 ang Pinoy Tasty habang ang Pinoy Pandesal ay nabibili sa P22.25 kada 10 piraso.
Una nang pumalag ang grupo ng panadero sa hinihirit ng DTI na dagdag pang tapyas sa presyo ng tinapay.
Paliwanag ni Federation of Philippine Bakers Association vice president Chito Chavez, hindi maaring gamiting basehan ang serye ng rollback sa LPG para ibaba rin ang presyo ng tinapay.
Hindi anya LPG ang pangunahing sangkap sa paggawa ng tinapay kundi harina kaya hindi maaring gamitin itong basehan para muling bawasan ang presyo ng tinapay.
Nakatakdang makipagpulong ang DTI sa grupo ng mga panadero.