MANILA, Philippines - Inabsuwelto ng Sandiganbayan si dating Parañaque City Mayor Joey Marquez sa kasong graft na inihain laban sa kanya kaugnay sa pagbili ng labis na halaga ng bala nang ito ay alkalde pa ng nasabing lungsod noong 1995.
Sa desisyon ng 2nd Division ng Sandiganbayan, sinabing nabigo ang prosekusyon at Commission on Audit na patunayan na nagkaroon ng mahigit sa isang milyong overpricing sa pagbili ng mga bala para sa mga closed-in bodyguard ng alkalde mula sa umano’y hindi lisensyadong trader noong taong 1996 hanggang 1998.
Kasabay nito, iniutos na rin ng korte na bawiin ang hold departure order na inilabas noon laban kay Marquez at pinababalik na rin sa kanya ang piyansang inihain nito.
Nag-ugat ang kaso sa isinampa ng Ombudsman mula sa audit report na ang pamahalaang lungsod ng Parañaque ay bumili ng mga bala noong nasabing mga taon at labis ito sa presyo sa halagang P1.219 milyon.